Binalikan ni Mark Bautista kung paano siya naging matatag sa kabila ng pagpanaw ng kaniyang ama na labis na sumusuporta sa kaniyang trabaho.
Sa isang video ng GMA Network, natanong si Mark kung naisipan ba niyang magpahinga muna at huwag alalahanin ang trabaho.
"Actually, inisip ko 'yan... Pero knowing papa, sasabihin niya kasi sa akin na 'Gawin mo 'yan, gawin mo 'yan.' So 'yun 'yung nag-push sa akin na 'Okay.' Before kasi siya namatay ito na 'yung naging commitment ko, especially 'yung concert and itong musical," paliwanag ni Mark.
Pumanaw ang ama ni Mark noong Enero 23, ilang araw bago ang concert nila nina Aicelle Santos at Christian Bautista na "1 For 3" noong Pebrero 1.
"Umuwi ako ng Cagayan de Oro for two weeks and timing na isang Sunday wala kaming live. So timing na dire-diretso ako doon sa Cagayan de Oro and naka-spend ako ng time na madami during the wake."
Gayunman, kinailangan ding bumalik ni Mark sa Maynila dahil para sa rehearsals.
"'Yun lang ang iniisip ko na si papa naman, kung buhay siya, sasabihin niya lagi na 'Go.'"
Inamin ni Mark na nahirapan siya noong concert dahil sa nangyari.
"Actually mas nahirapan ako noong concert kasi fresh. Nine days after naming pinalibing, kailangan nang gawin 'yung concert so kinanta ko pa 'yung favorite song niya. So medyo doon lang ako nahirapan," anang Kapuso singer.
Masaya naman si Mark dahil supportive ang kaniyang ama, gayunman, sariwa pa rin sa kaniya ang mga alaala nito.
"Yes, yes, yes. Very supportive kasi siya eh so hindi rin naging mahirap sa akin. Pero siyempre hanggang ngayon nga bumabalik pa rin sa akin, may mga times na talagang, shocks ba 'to o nagiging emotional minsan?"
"Makita ko lang na may mais sa sidewalk na favorite ni papa na kainin, parang bakit bigla [akong] nagiging emotional or something? First time na na-experience ko 'yun na direct family na nawala sa akin, so ganito pala 'yung feeling," kuwento pa ni Mark.
Nagpasalamat din si Mark dahil naging outlet niya ang concert para mabaling kahit paano ang kaniyang atensyon.
"I think mas maganda sa akin na nagkaroon ng outlet na singing, for a while made-detach ako sa world, ibang world lang 'yung puntahan ko, kasi kung nasa bahay lang ako, mas deprssed ako. Malaking tulong din kahit paano."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
