Sa pagdiriwang ng kanilang 34th wedding anniversary, nagkasya na lang sa tinginan, pagkaway at flying kiss ang mag-asawang Senador Bong Revilla at Bacoor Mayor Lani Mercado dahil sa pag-iingat sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Dahil parehong nagpapatupad ng kanilang self-quarantine ang mag-asawa, nagpasya silang huwag na munang makalapit kahit tumagal ng halos isang buwan.

Sa Facebook post ng senador, sinabi nito na katatapos lang niyang mag-self-quarantine na sinimulan niya noong Marso 9, matapos magpositibo sa virus ang kasamahan niyang si Senador Miguel Zubiri.

"'Yung 15 days, hindi kami puwedeng magtabi. So kung 15 days din siyang ika-quarantine, isang buwan po kaming hindi magkakalapit. Napakahirap po pero we have to do it. We have to sacrtifice kaysa magkahawa-hawa," sabi ni Revilla.

Sa hiwalay ding post, inilahad ni Lani, Mayor ng Bacoor, Cavite, na sumasailalim din siya sa self-quarantine matapos niyang ma-expose sa isang COVID-19 positive patient.

"'Wag po kayong mag-alala, wala naman po akong lagnat. Medyo makati lang po 'yung lalamunan pero I can manage, wala naman po ako nararamdamang masama," saad ni Lani.

"You’re so near yet so far, malayo man tayo sa isa't isa Mama, andito ka naman sa aking puso palagi. Social Distancing man, our love will never know any distance. Salamat sa iyong walang katumbas na pagmamahal. Mahal na mahal kita. Happy anniversary, Mama!!! I love you so much!!!" paghahayag ni Revilla sa kaniyang post.

Sa video post ni Sen. Bong habang binanggit kung gaano katagal na silang nagsasama, madidinig ang pasigaw na tinig ni Mayor Lani na itinutuwid ang bilang ng natatawa niyang mister.

Saan ng celebrity couple-turned-politician, 22 taon na silang kasal sa simbahan sa Imus, pero sa kabuuan ay 34 taon na silang nagsasama dahil sa kasal nila sa Amerika.

Nanawagan naman ang mag-asawa sa publiko na manatili muna sa kani-kanilang bahay para makaiwas sa virus.

Ayon kay Lani, lima na ang kanilang kaso ng COVID-19 at dalawa rito ang pumanaw na.--FRJ, GMA News