Nagsama-sama ang Kapuso mommies na sina LJ Reyes, Camille Prats, Chynna Ortaleza at Iya Arellano para sa isang fundraising project para sa mga nanay na may mga anak na dalawang-taong -gulang at pababa.

Layon ng "Alalay Kay Nanay" project na bigyan ng tulong ang mga nasabing nanay, ayon sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras."

Naisip ng mga Kapuso mommies ang proyekto dahil hindi raw kadalasang kasama sa pangangailangan ng mga baby ang ibinibigay na relief packs ng mga nanunungkulan.

Katuwang din nila sa naturang proyekto sina Chariz Solomon at Isabel Oli-Prats.

"Ang dami-dami ngang nagdi-DM sa amin na 'Help, help!' Siyempre naiisip ko rin 'yung mga babies. Sabi ko 'Shucks baka gusto ng mga kaibigan ko to band together para at least may magawa kami as a group, 'di ba?" sabi ni Chynna.

Sinimulan na ng celebrity mommies ang call out for donations nitong Easter Sunday sa pag-post sa kanilang social media accounts at paggawa ng official accounts ng Alalay Kay Nanay sa Instagram at Facebook.

Doon makikita ang bank details para sa mga gustong mag-donate.

Natuwa ang celebrity mommies sa agarang pagdating ng mga tulong.

"We were able to gather P67,500, that's just in one day and then at this point, we're still asking a lot of our mommy friends if they can continue spreading awareness of this fundraising," sabi ni Camille.

"We also want to help children with special needs kasi siyempre pati sila they have medicines that they need especially at this time kung kailan wala sila masyado," ayon naman kay Iya.

May pinaplano rin silang Alalay Kay Nanay livestreaming na fundraising din sa darating na weekend.

"'Yung mga ige-guest namin meron silang  sariling isi-share nila, 'yung iba cooking tips, kung paano natin pagkakasyahin ang budget natin at this moment. And then workout, sabi ni Iya, and maraming marami pang iba," ani LJ.

Maaaring i-message ang celebrity mommies sa kanilang official social media accounts.

 

 

Gayunman, mayroon din silang pakiusap.

"We're just hoping and praying that people are being honest with us, 'cause we really just want to be able to help the moms that are in need. Gusto rin sana naming malaman din kung puwede nila tayong bigyan ng short or brief description of what the situation is, kung ano 'yung mga pangangailangan nila," panawagan ni Iya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News