Dahil hindi muna nakakapunta sa gym dulot ng home quarantine, naging creative si Kris Bernal sa kaniyang workout gamit ang mga bagay sa kaniyang bahay, at nakagawa ng iba't ibang abs exercises sa pamamagitan ng mga unan.

"Kailangan kong maging creative, maging resourceful, ano 'yung puwede kong gamitin dito sa bahay na alternative sa weights," sabi ni Kris sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras."

"Since 'yung program ko kasi is building mass, naisip ko nga 'yung pillow na nakita kong may bigat siya, and then puwede mo siyang gamitin sa abs, hindi lang sa abs, puwede mo siyang gamitin sa shoulders, sa legs mo," pagpapatuloy ng Kapuso actress.

Anim na klase ng abs exercise ang nagagawa ni Kris gamit ang kaniyang mga sofa pillow. Pero hindi lang unan ang puwedeng gamitin sa pag-workout sa bahay.

"Sa sofa, puwede kang makakumpleto ng full-body workout, from abs to legs, to your shoulders, gamitin mo 'yung pillows. And then sa chair, may exercises din for the glutes, for the legs, for the tighs. 'Yung mga hangers mo sa bahay sa closet mo, puwede mo rin siyang gamitin as weights," ani Kris.

"Kailangan lang talaga maging creative ka, kailangang magbigay ka rin ng time," saad niya.

Ayon kay Kris, taon na rin ang binilang mula nang maging aktibo siya sa pag-workout, pero kailan lang lumabas ang kaniyang mga muscle.

"More than eight years na akong nagwo-workout so through time, nag-build na rin talaga itong muscles, nag-tone na rin talaga ang katawan ko," sabi ni Kris.

"You just have to be patient. I mean, work hard on it kasi hindi siya talaga overnight," payo ni Kris sa mga gusto siyang gayahin sa pag-workout sa bahay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News