Sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan, maghahandog ng online mini concert para sa fans ang Asia’s Pop Diva na si Julie Anne San Jose sa Sabado, May 16.

Tinawag na “Jam with Julie,” makakasalamuha ng fans si Julie Anne via Facebook Live, kung saan aawitin niya ang mga kantang pinasikat ng mga OPM band, tulad ng Parokya ni Edgar, Sponge Cola, Eraserheads, Hale, at Rivermaya.

Ang mini concert ay gagawin isang araw bago ang ika-26 na kaarawan ni Julie Anne sa Linggo.

Kamakailan lang ay umani ng papuri mula sa netizens ang cover song ni Julie Anne sa awiting "Bagsakan," nina Chito Miranda, Gloc 9, at namayapang si Francis Magalona.

 

 


Kahit si Chito, nag-post ng kaniyang komento nang paghanga sa ginawa ni Julie Anne.

"Iba ka talaga!!!" saad ng lead singer ng Parokya ni Edgar.

Matutunghayan ang #JamWithJulie, sa ganap na 6:30pm sa official Facebook page ni Julie Anne, GMA Artist Center, at Universal Records.--FRJ, GMA News