Pinayuhan ni Iya Villania-Arellano ang mga kapwa niya mommies na kumonsulta muna sa doktor kapag plano nilang mag-workout kahit buntis.

Sa kaniyang Chika Minute report sa 24 Oras, sinabi ni Iya na tuloy-tuloy pa rin ang kanyang home workout kahit na halos walong buwan na siyang buntis.

Hindi na raw bago ang pagwo-workout sa kanya, kahit pa noong ipinagbubuntis pa niya noon sina Primo at Leon.

"'Yung sa kondisyon ko, pinayagan ako ng OB ko na ipagpatuloy ko ang pagwo-workout ko," saad ni Iya.

"Para sa ibang preggy moms diyan, alam kong hindi tayo lahat same condition kaya kailangan talaga may clearance from your doctor," payo pa niya.

Maraming AMRAP o as many rounds as possible ang ginagawang workout ngayon ni Iya para maiwasan ang sobra-sobrang weight gain.

"Kahit ano pang gawin ko, talagang magge-gain ako ng weight pero ang gusto ko sanang mangyari ay iwasan 'yung sobra-sobra na pag-gain sa aking pagbubuntis dahil puwedeng mag-lead sa mga komplikasyon gaya ng preeclampsia or gestational diabetes at kailangan ko rin mag-exercise para mapalakas ang aking lower back dahil kapag pregnant ka, doon tayo nagkakaroon ng muscle strain dahil sa bigat ng ating tiyan," sabi ng Chika Minute anchor.

"One thing is for sure, ginagawa ko ito nang may clearance from my doctor, at hindi lang ito para sa aking kalusugan kundi pati rin sa aking baby," ani Iya.

Sinorpresa ni Iya ang asawa niyang si Leon noong nakaraang taon na buntis siya sa kanilang baby number 3. —Jami Santos/LBG, GMA News