Lagi raw busog sa pangaral mula sa kaniyang kuya na si Ruru Madrid si Rere Madrid ngayong nasa showbiz na rin siya. Ayon kay Ruru, nananatili rin siyang konserbatibo pagdating sa pananamit ni Rere.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing panay ang jamming ng magkapatid ngayong panahon ng lockdown.

"Nagko-cover po kami. Kasi may binili po 'yung daddy namin na recording set so ayun po talaga 'yung usually na ginagawa po namin dito sa bahay," kuwento ni Rere.

Lagi aniyang pinapangaralan si Rere ng kaniyang kuyang si Ruru lalo pagdating sa career.

Inihayag din ni Rere na kung bibida man siya sa isang serye gusto niya na makasama ang kaniyang kuya.

"'Pag po tinatanong ako lagi ng mga production, ano 'yung gusto ko kapag nagbida na ako sa isang teleserye, sabi ko, gusto ko talagang makasama si kuya," sagot ni Rere.

Pabiro naman ni Ruru, "Pero hindi love team."

Sinabi naman ni Ruru na may pagka-conservative siya pagdating sa pananamit ni Rere.

"Ayoko lang po siyempre na mabastos siya. Sabi ko sa kaniya 'Sige magdamit ka nang maikli pero kapagka napaaway ako, huwag niyo akong aawatin," sabi ni Ruru.

 

 

—Jamil Santos/LBG, GMA News