Inihayag nina Barbie Forteza at Jak Roberto na bahagya na nilang napag-uusapan ang tungkol sa pag-settle down. Kasabay nito, may biruan na rin silang ipapangalan sa magiging anak nila.

Sa YouTube channel ni Jak, sumabak sila ni Barbie sa "Couples Questions Challenge," para sa kanilang ikatatlong anibersaryo.

Pero dahil sa community quarantine, idinaan na lang muna nila sa video chat ang kanilang selebrasyon.

Isa sa mga tanong na kanilang sinagot ang "Who mentioned marriage first?," at pareho pa silang nagturuan.

"Kasi sabi niya, gusto niya daw mag-settle na, pagka ilang taon ka na?" tanong ni Jak kay Barbie.

"28," sagot naman ng 22-anyos na si Barbie.

"Tapos sabi ko, 'Anong ipapangalan mo kapag may first baby na?' Ako ang nagsabi ng Jebson actually," natatawang pag-amin  ni Jak, 26-anyos.

"Siya (Barbie) ang unang nagbanggit, kasi sabi niya kapag 28 na siya," dagdag ni Jak.

Sinabi naman ni Barbie na siya ang nagpapadala ng mga larawan ng engagement ring kay Jak.

"Tsaka lagi akong nagpo-forward sa kaniya ng mga posts sa Instagram ng mga engagement ring na malalaki 'yung bato," ayon kay Barbie.

Naging biruan nina Jak at Barbie ang pangalang Jebson para sa kanilang magiging anak, dahil "Jebs" daw ang magiging nickname nito.

Sinagot din nina Jak at Barbie kung sino ang unang nagso-sorry, gumagawa ng mga desisyon, at ang mas magulo.

Naging magkasintahan sina Barbie at Jak noong Mayo 19, 2017.--Jamil Santos/FRJ, GMA News