Inihayag ni Willie Revillame na wala siyang galit kay Super Tekla kahit bigla itong umalis sa "Wowowin." Handa rin daw ang TV host na tulungan ang komedyante na maipagamot ang anak na may birth defect na anorectal malformation o walang butas ang puwet.

Sa "Wowowin-Tutok To Win," sinabi ng co-host na Donita Nose na ipinadaan sa kaniya ni Tekla ang mensahe na gusto niyang humingi ng tulong kay Kuya Wil para sa anak na nasa ospital at inoperahan dahil sa kondisyon nito.

Nilinaw muna ni Kuya Wil ang dahilan kung bakit biglang nawala si Tekla sa kaniyang programa.

"Para malaman niyo, matapos na 'yung mga kung anu-anong sinasabi niyo dati, hindi ko pinaalis 'yang si Tekla, siya ang umalis. Bakit? Natutulog sa taping. Habang nagte-taping tulog, hinahanap namin, biglang umalis," sabi ni Kuya Wil.

Paglilinaw pa ni Kuya Wil: "Tekla, ipapaalala ko lang sa'yo, hindi kita inalis, alam mo 'yan, alam ng Diyos 'yan. Ikaw ang umalis sa show. Natutulog ka during the taping, hinahanap ka namin bigla kang umalis na walang paalam. After that hindi mo na ako kinausap, kumuha ka ng manager na hindi namin... Gusto ko malaman niyo lahat.

Ilang taon na ang lumipas mula nang mawala si Tekla sa "Wowowin" pero walang naging opisyal na paliwanag kung bakit.

READ: Super Tekla, nagsalita na kung bakit hindi siya napapanood sa 'Wowowin'

Sabi ni Kuya Wil, "Open forum na tayo, para malaman ng lahat. Itong panahon na nagkakaalaman tayo, 'di ba? Hindi kita sinusumbatan. Magaling ka, okay ka. May pinagdadaanan ka ngayon. Hindi naman sa ano, iniwan mo ako, 'di ba?"

Wala raw galit si Willie sa komedyante: "Pero may problema ka ngayon, tumatawag ka kay Donita para sa tulong ko. Hindi ako nagtatanim ng galit kahit kanino. Laging may forgiveness ang puso dapat ng tao."

Kaya naman sinabi ni Kuya na hindi na dapat mag-alala si Tekla dahil tutulungan niya ito para sa bata.

Paliwanag ni Kuya Wil, marami rin siyang pinagkakautangan ng utang na loob kaya lagi niyang pinapasalamatan ang mga tao na ito.

"Puntahan mo ako dito kung may oras ka Tekla," mensahe ni Kuya Wil kay Tekla. "Pero ngayon lumalapit ka sa akin, sino ba ako para hindi kita hindian? Tekla, puntahan mo ako dito, tutulungan kita para sa operasyon ng anak mo."

Kinakailangang operahan ang bagong baby ni Tekla dahil sa birth defect na anorectal malformation.--FRJ, GMA News