Magkakaroon ng bagong leading lady ang upcoming Kapuso series na "First Yaya" matapos na magpahayag ang bida nitong si Marian Rivera na hindi niya kakayanin ang "lock-in taping."

Sa ulat ni Lyn Ching sa “Unang Balita” nitong Lunes, sinabing hindi kakayanin ni Marian ang "new normal" sa taping na "lock-in" o ilang linggo na walang uwian.

Gustuhin man daw ni Marian na ipagpatuloy ang serye pero ipinaliwanag niyang kailangan din niyang alagaan ang mga anak nila ni Dingdong Dantes na sina Zia at Ziggy.

Kamakailan lang ay sumabak din sa 12-araw na “closed-group” shoot si Dingdong para sa award-winning Kapuso drama na “Descendants of the Sun.”

Ginampanan ni Dingdong sa serye ang karakter ni “Big Boss” Captain Lucas, habang si Dra. Maxine naman ang role ni Jennylyn Mercado.

Nag-post din sina Dingdong at Marian ng kanilang personal experiences sa new normal ng taping para sa DOTS.

“Been wearing these boots for almost a year now to give life to Capt. Lucas Manalo. Now, it is time to loosen these laces to make way for the next journey. Mission accomplished!” sabi ng aktor.

Sa ngayon, wala pang pangalan na binabanggit na posibleng pumalit kay Marian sa "First Yaya," na si Gabby Concepcion ang leading man.— FRJ, GMA News