Sasailalim sa isang buwang lock-in taping si Carla Abellana para sa pagpapatuloy ng Kapuso series na "Love of My Life."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras," sinabing bago nito, ang nobyo niyang si Tom Rodriguez ang sumabak sa halos isang linggong taping para sa "I Can See You: High Rise Lovers."

"Kukulangin siguro 'yung mga tatlo, apat na luggage pero in terms of sa box naman, 'yung mga kagamitan pa lang, supplies pa lang, naka-apat na yata ako na medyo malalaki kasi of course lock-in kami, bawal lumabas, bawal pumunta kahit sino," kuwento ni Carla.

Ayon sa Kapuso actress, nanibago siya nang unang beses silang hindi magkasama ni Tom ng halos isang linggo, lalo pa't sila ang madalas magkasama nitong panahon ng pandemic.

Proud si Carla na nakayanan ng kaniyang nobyo ang lock-in taping kasama ang production ng "I Can See You: High Rise Lovers."

"Kami ay medyo binibitin ng writers, ayaw pang i-reveal ang buong kuwento, kung ano pa ang mangyayari at kung ano ang ending, pero maraming changes. Mga Kapuso natin, nabitin sila sa 'Love of My Life' so itutuloy lang namin 'yun and promise namin gagawin namin 'yung best namin na maganda pa rin 'yung bawat episode," sabi ni Carla.

Habang walang taping, inasikaso ni Carla ang kaniyang businesses, kabilang ang restaurant niyang limang taon na, at ang bago niyang pinasukan na e-commerce.

Bukod dito, meron na rin siyang cleaning and sanitizing business para sa "new normal."

Binenta na rin ng aktres ang kaniyang fully-furnished na 68 square meter at 1 bedroom condo unit sa Pasig.

"Wala nang nag-stay talaga du'n so imbes na ipa-lease or i-rent out, ibenta ko na lang siya nang tuluyan. Feeling ko lang time na mag-move on na para naman din makapagpagawa na ako ng aking dream house," sabi ni Carla. – Jamil Santos/RC, GMA News