Nagpasalamat si Barbie Forteza sa kaniyang mga tagahanga dahil umabot na sa isang milyon ang subscribers sa kaniyang YouTube channel. May plano kaya siyang i-prank ang nobyong si Jak Roberto na ilang beses nang nagpaiyak sa kaniya?

"Masaya, sobrang saya kasi actually sinimulan ko naman talaga 'yung channel ko hindi naman para magkaroon ng maraming maraming subscribers. I wanted to share with everyone who cares for me, kung sino talaga ako off cam, kung sino talaga si Barbie," sabi ni Barbie sa Kapuso Showbiz News.

Ayon pa sa aktres, gusto rin niyang makilala pa siya ng kaniyang fans at kung sino siya sa likod ng camera.

"Kasi 'yung ibang tao parang nakilala lang ako as 'yung umiiyak sa TV or 'yung impersonator ni Kris Aquino. Gustong kong makita nila kung sino talaga ako. I want them to know me deeper," paliwanag ni Barbie.

"Kaya din hindi ako masyadong ma-vlog ng mga behind the scenes dito sa set, kasi trabaho ito, nakikita na nila ito. Ang gusto kong ipakita sa kanila, kung sino ako as Barbie na hindi artista. Kung ano 'yung mga hilig ko, ganiyan," dagdag pa niya.

Natanong naman si Barbie kung may plano ba siyang bumawi sa pagpa-prank sa kaniya ng nobyong si Jak na ilang beses nang nagpaiyak sa kaniya.

"'Yung unang prank niya, para sa akin hindi siya nagka-count kasi na-counter prank ko siya," natatawang sabi ni Barbie. "Tsaka hindi rin kasi ako, kumbaga 'yung channel ko hindi ko naman content talaga ang prank, kumbaga it's not me."

"Pero may mga prank na off-cam? Ay napakadami kong prank sa kaniya," masayang sabi ng aktres.  "No need to vlog kasi ang daming beses na." -- FRJ, GMA News