Handa na raw na dalhin nina Derek Ramsay at Andrea Torres ang kanilang relasyon sa next level, tulad ng pagpapakasal.

Sa "Mars Pa More," hindi nag-alinlangan sina Derek at Andrea sa pagsagot nang tanungin sila ng host na si Camille Prats tungkol sa kasal.

"Yes!" sabay na sagot ng Kapuso couple.

"Bakit pa nila ipapatagal pa kung hindi rin naman du'n papunta 'di ba?" sabi ng isa pang host ng show na si Iya Villania.

"Totoo 'yan!" sabi naman ni Andrea.

Nausisa rin sina Derek at Andrea kung kailan ito mangyayari?

"Puwede bang pag-usapan muna namin kung kailan?" natatawang sagot ni Derek.

Naikuwento rin nina Derek at Andrea na bihira raw silang mag-away bilang magkarelasyon.

"Very rare kaming mag-away, so I don't remember," sabi ni Derek.

Kinumpirma nina Derek at Andrea ang kanilang relasyon noong Setyembre 2019.

Sinabi ni Andrea na handa na siyang lumagay sa tahimik kasama si Derek Ramsay. Nauna nang inihayag ng aktor na si Andrea na ang babaeng ihaharap niya sa altar.--FRJ, GMA News