Tila nasalang sa "hot seat" si Luis Manzano sa isang webinar na kasama sina Alden Richards, Iza Calzado, Dra. Gia Sison, at nobya niyang si Jessy Mendiola nang mapag-usapan ang tungkol sa pag-aasawa.

Sa ulat ng PEP.ph nitong Martes, sinabing tungkol sa isang health insurance plan company ang webinar. Pero sa question-and-answer session, isang online participant ang nakatuwaang tanungin si Alden kung sa estado ba ngayon ng aktor ay handa na siyang mag-asawa.

Sumagot naman ng “yes” si Alden.

Hindi na sinundan ni Luis ang naturang tanong para bigyan daw ng “privacy” si Alden.

Sina Luis at Dra. Sison ang host ng webinar, at  guest health and fitness advocates sina Alden, Iza at Jessy.

Pero biglang sumingit si Iza at kay Luis naman ibinaling ang tanong: “E, ikaw, Luis [handa ka na bang mag-asawa]?”

Natawa si Luis at nagkatuksuhan sa webinar, dahil naroroon din sa panel ang nobya niyang si Jessy.

Makikitang natawa nang malakas si Jessy. Umakto pa siyang inilalapit ang tenga sa camera upang pakinggan ang isasagot ng nobyo.

Nang magsalita muli si Luis, mistulang nagpaalam siya kay Jessy na sasagutin niya ang tanong ni Iza.

Sabi ni Luis: “Ako tinatanong, Howhow.”

“Howhow” at “Wowow” ang terms of endearment nina Luis at Jessy sa isa’t isa.

Natatawang tumango lang si Jessy.

Patuloy ni Luis: “Sabihin na lang natin, kung gagamitin natin ang sinabi ng isang game show… game na!”

Muling nagkatuksuhan ang panelists ng webinar, habang sumenyas naman ng dalawang thumbs up si Jessy, na tawa pa rin nang tawa.--For the full story, visit PEP.ph