Inanunsyo ni Jelai Andres na nagpositibo siya sa COVID-19 noon Oktubre, at sa kanyang vlog sinabi niya: "Isa sa pinaka, pinakakinakatakot ko, nangyari sa amin. At hindi niyo alam, hindi ko nai-share sa inyo, yes, nagka-COVID po kaming lahat, kaming lahat." 

Ikinuwento ni Jelai na meron siyang paboritong pinsan, na isang frontliner, at lagi niya itong kasa-kasama.

Bagama't nagnegatibo sa COVID-19 ang kaniyang pinsan, meron naman itong isang katrabaho na nagpositibo sa sakit.

ADVERTISEMENT

"May ka-work siya na nag-positive. Hanggang sa yun, na-positive na kaming lahat. Dun nalaman na nakuha sa cousin ko," kuwento ni Jelai.

Inilahad ni Jelai na sa kanilang lahat sa bahay, siya ang may pinakamalalang sintomas gaya ng sipon, ubo, sinat, hirap sa paghinga at pananakit ng katawan.

Nagpapasalamat naman ang Kapuso actress dahil tuluyan na siyang gumaling at unti-unti nang nakabalik sa trabaho.

"Mahalin po natin ang mga family natin. Ingatan po natin sarili natin. Bakit ako umiiyak? Ang saya ko kasi nakasama ko 'yung family ko ngayong holiday," ani Jelai.

"Sobrang thankful ako kasi nalagpasan natin 'yung mga ganung pangyayari, 'yung mga trials sa life natin. Masaya ako kasi nag-Christmas kami nitong nakaraan na magkakasama," dagdag niya.

Kasama si Jelai sa Kapuso series na "Owe My Love." —LBG, GMA News