Inilahad ni Andrea Torres ang hamon sa pagganap sa kaniyang role sa "Legal Wives" bilang isang babaeng Katoliko na umibig sa isang lalaking Muslim.

Sa panayam sa kaniya sa GMA Regional TV Early Edition, ikinuwento ni Andrea na sa "new normal" ng kanilang taping, hanggang sa limang linggo na script ang ibinibigay sa kanilang cast para pag-aralan ang kanilang mga role.

"Challenging siya kasi kailangan mong bantayan 'yung times na medyo mataas ang emosyon niya, medyo mababa 'yung emosyon niya, 'yung mga ganu'n. Kasi nga ang haba na ng nakabukas na script, and gusto talagang makita ni direk (Zig Dulay) 'yun," sabi ni Andrea.

"Gusto lang talaga namin mapakita kung paano siya nag-a-adjust, kasi siyempre na-in love siya sa isang Muslim and bago sa kaniya 'yung mga ginagawa nila, 'yung kultura nila," dagdag ng aktres.

Ayon pa kay Andrea, may mga Muslim din sa kanilang set para masigurong tama ang lahat ng mga impormasyong ipinapakita nila tungkol sa kultura ng mga Muslim.

Paglalarawan ng aktres, "visually appealing" ang programa dahil pinaghandaan pati ang costume at set.

"Ang maganda dito, hindi lang siya iisang buong istorya na tatlo kaming asawa and si Dennis, may istorya rin po 'yung mga kasama sa family," sabi ni Andrea.-- FRJ, GMA News