Ilang taon na rin hiwalay si Sunshine Dizon sa kaniyang ex-husband na si Timothy Tan. Kaya naman sa virtual press conference ng GMA-7 teleseries "Magkaagaw," natanong ang aktres kung handa na ba siyang magmahal muli at pumasok sa bagong relasyon.

Sa ulat ni Bernie V. Franco sa PEP.ph, tinuran ni Sunshine ang kahalagahan ng pagmamahal sa sarili bago pumasok sa isang relasyon.

Paliwanag ng aktres, hindi raw selfishness kung uunahin ng isang tao na mahalin muna ang sarili. Bagkos, proteksiyon daw ito sa sarili pagdating sa pakikipagrelasyon.

Mas makapagbibigay umano ng pagmamahal ang isang tao kung labis ang pagmamahal niya sa sarili.

"Mahalin mo muna nang buong-buo at sobra-sobra ang sarili mo so that you can also give that [to others]. You can also share that kind of love to others. And I think maraming tao ang nakakalimot niyan, na to a point na nauubos ka na,” paliwanag ng aktres.

Pero sa ngayon, hindi pa raw handa si Sunshine na pumasok sa panibagong relasyon.

“Because, well... technically, I’m still married," saad niya.

“I am not legally separated and… basta, ang akin ngayon, ang focus ko maayos ang mga anak ko, at masaya sila. Okay na muna ako doon," paliwanag ni Sunshine. --For the full story, visit PEP.ph