Sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga" nitong Sabado, nag-throwback si Ryan Agoncillo sa kaniyang softdrinks commercial kung saan nagtanong siya ng "Are you in heat?" sa kaniyang "crush" kaya sa halip na kausapin, sinampal siya nito.

Tema sa segment nitong Sabado ang mga artistang nagsimula muna bilang commercial models.

Matatandaan na sa naturang softdrinks commercial noong 90s, nakasabay ng karakter ni Ryan ang kaniyang "crush" na ginagampanan naman ni Patricia Javier sa elevator nang biglang mag-brownout.

Dahil may dala-dalang softdrinks, nag-isip ang lalaki (Ryan) ng simpleng linya para maalok at makausap ang kaniyang crush.

Pero nang gusto niyang maging swabe ang kaniyang sasabihin, sumablay siya ng grammar at sinabi kay crush na "So, are you in heat?" kaya napatugon ang babae ng "What?"

"Ah eh?! Nag-iinit ka na ba?" sabi ng karakter ni Ryan dahil sa pagkakataranta. Dahil dito, sampal ang inabot ng lalaki sa kaniyang crush.

Kuwento ni Ryan sa Bawal Judgmental, may krisis noon sa Asya kaya sa likod ng pag-audition niya noong 14 taong gulang siya, ay gusto niyang mabawasan ang mga alalahanin ng kaniyang pamilya.

"Naisip ko, bawas sa iisipin kasi kung may dagdag kita," ayon sa EB Dabarkads. "'Yung kikitain mo sa commercial, bawas na sa iisipin, 'yun 'yung motivation."

"Mahirap, kasi bago ka matanggap talaga, maraming proseso, pipila ka, gaya ng sabi ni Patricia," sabi ni Ryan.

"Ang kailangan kasi 'yung mukhang cartoons 'yung mukha," natatawang kuwento ni Ryan kung bakit siya ang napili sa naturang softdrinks commercial.

"Tsamba 'yun, sobrang tsamba. And then it became that break nga," pag-alala ni Ryan.

Naging panauhin din ng segment si Patricia Javier. – Jamil Santos/RC, GMA News