Binansagan ng netizens si Tita Mel Tiangco bilang "first Pinay on Mars" matapos nilang ikatuwa ang kaniyang pagbabalita tungkol sa landing ng Perseverance sa Mars na may kasamang graphics ng planeta at pagdaan ng rover sa GMA News "24 Oras."

Iniulat ng "24 Oras" ang naturang balita nitong Lunes, pati na rin ang mga Filipino-American engineer na tumulong para maisagawa ang pag-landing ng rover sa "Red Planet."

Matapos ang pagbabalita, nag-trend si Tita Mel online, kasabay ng pagkamangha ng netizens sa augmented reality (AR) graphics ng newscast.

Birong pagbati ng isang netizen, "Congrats po, Tita Mel, as kauna-unahang Pinay sa Mars #proudpinoy."

 

 

 

 

 

Pero hindi ito ang unang beses na nag-viral si Tita Mel sa pag-uulat niya nang may kasamang state of the art graphics.

Nitong Pebrero, binansagan naman siyang "Mother of Dragons" matapos na may bumisitang dragon sa studio para sa Chinese New Year.

Nang sumabog din ang Bulkang Taal noong nakaraang taon, naging trending din si Tita Mel matapos na mag-transform ang set ng 24 Oras bilang Taal Lake, kung saan katabi ng anchor ang bulkan.

Gayunman, hindi si Tita Mel ang "unang Pilipina sa Mars" dahil "nabisita" na rin pala ito nina Pia Arcangel at Arnold Clavio sa kanilang late night news na Saksi.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News