Dahil sa magandang takbo ng career, itinuturing ni Barbie Forteza na lucky charm niya ang nobyong si Jak Roberto.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng aktres na patuloy ang pagdating ng mga proyekto niya mula nang maging magkasintahan sila ni Jak.

“Feeling ko siya yung lucky charm ko kasi parang ever since naging kami, parang nagtuloy-tuloy din talaga ’yung magagandang opportunities ko. Parang medyo dumami yung inquiries, dumami ’yung work, kaya talagang nakakatuwa,” ani Barbie.

“Hindi lang sa akin, kahit sa kaniya. Busy na rin siya ngayon,” patulo ng aktres na napapanood sa Kapuso series na “Anak ni Waray vs. Anak ni Biday,” na magtatapos na sa susunod na linggo.

“Nakakalungkot na matatapos na siya kasi gano’n na kalaki at karami yung pinagsamahan namin sa show. Not just the cast pero pati yung mga staff, talagang parang naging pamilya,” sabi ni Barbie.

Pero kahit matatapos na ang “Anak ni Waray vs. Anak ni Biday,” mapapanod pa rin si Barbie sa “All Out Sundays,” at bibida siya sa bagong season ng “I Can See You,” katambal si Paul Salas.

“Reunion namin bilang nagkasama na kami sa ‘Kara Mia’ before,” ayon kay Barbie na masaya ring ibinalita na makakasama rin nila si Christoper de Leon.

Taong 2017 nang kumpirmahin nina Barbie at Jak ang kanilang relasyon.--FRJ, GMA News