Bagaman unang pagkakataon pa lang na magkatrabaho, nagkapalagayan na agad ng loob ang mga bida sa upcoming GMA series na "First Yaya" na sina Sanya Lopez at Gabby Concepcion.

Sa press conference ng serye, sinabi ni Sanya, na gaganap bilang si Yaya Melody na hindi mahirap pakisamahan ang batikang aktor.

"'Hindi rin siya mahirap maka-connect agad sa kaniya. Actually nung una medyo kinakabahan pa ako, nahihiya pa ako pero siya 'yung nag-approach agad sa 'yo and then iba kung paano siya kasi sobrang malambing, gentleman," kuwento ng aktres.

Idinagdag ni Sanya na ipinagluluto pa ni Gabby ang buong cast ng serye sa kanilang lock-in taping.

"Sino ba naman ang hindi mahuhulog kapag ganon ang kasama mo? Si Kuya Gabby, tatayo pa lang 'yan very presidentiable na, tapos ang guwapo. So 'yon lang ang isa sa mga characteristic na mga nakikita ko," patuloy ni Sanya.

Sinabi naman ni Gabby na madaling mahalin si Sanya, na dati nang nagpahayag na hindi pa nagkakaroon ng nobyo.

"Si Sanya kasing madali ang ma-in love ang kahit na sino dito. Napaka-simple niya kaya siguro siya pinili ng management. Ang bait niya, kalog siya, health conscious," anang aktor.

"Conscious siya sa mga tao na nasa paligid niya at 'yung character na ginagawa niya parang siya 'yun eh," dagdag ni Gabby.

Nasasabik na umano si Sanya na magampanan ang naturang lead role sa romantic comedy series na mapapanood sa March 15.

"Bago itong 'First Yaya' sa kin. Ang pagpasok sa romcom feeling ko ito talaga 'yung nakaka-excite i-share sa kanila, na 'guys marunong na ako mag-comedy.' Dahil sa mga kasama ko at lalong lalo na kay Direk LA siyempre sobrang galing," ayon kay Sanya.

"Gusto ko kung paano hinihimay 'yung character ko rito ni Direk LA para lang maipasok sa 'kin si First Yaya si Yaya Melody," pahayag niya.— FRJ, GMA News