Nasa Pilipinas ngayon ang dating beauty queen-actress na si  Michelle Aldana para maging bahagi ng upcoming Kapuso series na “Love You Stranger.”

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing gagampanan ni Michelle ang role na ina ni Gabbi Garcia.

Ayon kay Michelle, nag-auditioned siya nang malaman ang tungkol sa proyekto dahil nami-miss na niya ang pag-arte.

“Iba rin kasi yung pagka yung sarili mong salita or wika yung ginagamit mo, iba talaga yung dating. Kasi minsan kapag English, kapag umaarte ka sa ibang bansa iba yung dating sa katawan mo nung pananalita. Parang hindi totoo," paliwanag niya.

Ayon sa GMA Entertainment report, umalis ng Pilipinas si Michelle noong 1998, at apat na taong nanirahan sa Germany bago lumipat sa South Africa.

Itinanghal na Miss Asia Pacific si Michelle noong 1993 at bumida sa ilang pelikula tulad ng “Hindi Pa Tapos Ang Laban” at “Segurista.”

Bukod kay Gabbi, kasama ni Michelle sa lock-in taping ng  “Love You Stranger” si Khalil Ramos, Carmi Martin, at Alex Medina. – FRJ, GMA News