Maraming netizens ang naaliw sa viral na paglalagay ng "witty" na apelyido ng mga artista na pangalan lang ang gamit na screen name tulad ni Mahal. Kasabay niyan, may mga napatanong din kung mahal nga ba ni Mahal si Mygz Molino?

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinaliwanag ni Mahal na ang kaniyang screen name ay term of endearment sa kaniya ng kaniyang lola.

Kaya naman nang pumasok siya sa showbiz, Mahal na rin lang ang ginamit niyang pangalan, at malaki raw ang naitulong nito sa kaniyang career.

Natutuwa si Mahal nang mabasa niya ang mga apelyido na ikinabit ng netizens sa kaniyang pangalan.

Pero sa mga nagtatanong kung ano ang kaniyang tunay at buong pangalan--ito ay Noemi Tesorero.

Pagdating naman sa pagmahahal, may nagtatanong kung ano nga ba ang tunay na relasyon nila ni Mygz na lagi niyang kasama sa mga Tiktok video at co-stars niya sa Kapuso series na "Owe My Love.

"Magkaibigan lang po kami," paglilinaw ni Mahal. " Mahal ako ng mga tao."

Sa isang artikulo ng PEP.ph, inihayag ni Ai-Ai delas Alas, na kasama rin sa "Owe My Love," na nakita niya sa kanilang lock-in taping kung gaano alagaan at pagmalasakitan ni Mygz si Mahal.

Naniniwala si Ai-Ai na taos-puso at unconditional love ang ipinadadama ni Mygz sa komedyante.

"Blessed na blessed si Mahal. Gift ni Lord si Mygz sa kaniya," ayon kay Ai-Ai.--FRJ, GMA News