Sa online talk show na "Just In," masayang binalikan nina Kaye Abad at Paolo Contis ang kanilang kabataan. Si Kaye, inamin na may gusto siya noon kay Paolo at ibinisto pa ang ilang sikreto ng aktor.

"Ang gusto ko talaga ikaw [Paolo]. Si Carol (Banawa) ang gusto si Toffee (Kristopher Peralta). Kaso ang nagkataon, wala kaming magawa. Ang gusto ni Toffee ako, ang gusto mo si Carol. Sabi ko 'Ngee ano ba yan?!" natatawang balik-tanaw ni Kaye nang mapag-usapan nila ni Paolo ang teen drama series na pinagsamahan nila noon.

Pag-amin pa ni Kaye, mas close sila noon ni Paolo sa kanilang youth-oriented variety show, kaysa noong nagkasama sila sa kanilang teen drama series.

"Kaibigan talaga kita noon tsaka type rin kita noon, pero ayaw sa akin ng nanay mo 'di ba?" natatawang sabi ni Kaye. "Ayaw sa akin ng nanay mo kasi mas matanda raw ako sa'yo."

Bukod dito busy na raw si Paolo sa girlfriend nito noon na si Desiree del Valle, na inilarawan ni Kaye na selosa.

Inalala ni Kaye ang isang pagkakataon na hihingi sana siya ng pastillas mula kay Desiree, pero sumagot ito na magpaalam muna kay Paolo.

"Kasi siyempre alam mo naman ang kabataan, may mga ganu'n kang... gustong-gusto mo, magseselos [ka]," sabi ni Paolo.

"Tsaka 'pag ganu'ng edad tayo, selosa talaga yata tayo eh. Ako rin selosa rin naman," pag-amin ni Kaye.

Hindi rin malilimutan ni Kaye nang ilagay niya sa 18 wishes at 18 roses si Paolo noong debut niya, na nagsuot ng berdeng suit at berde ring contact lens.

"Guys, kasi green 'yung suot ko, 'yung contact lens ko green din. Mukhang tanga! Alam mo 'pag iniisip ko 'yun sabi ko 'Ang tanga-tanga ng pinaggagagawa ko dati. Pero masaya," natatawang sabi ni Paolo.

Panoorin ang buong kulitan ng dalawa sa video ng "Just In." --FRJ, GMA News