Sa kabila ng paghahanda sa kanilang kasal, apat na buwan na hindi magkikita sina Carla Abellana at Tom Rodriguez para asikasuhin muna ang kani-kanilang proyekto na kailangan ang lock-in taping.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing ito ang pinakamatagal na panahon na hindi magkikita ang dalawa.

Si Carla, kasama sa upcoming series na "To Have To Hold," habang sa seryeng "The World Between Us," naman kabilang si Tom.

Hindi raw magkakaroon ng pagkakataon na magkita ang dalawa dahil magkaiba rin ang schedule nila sa break ng taping.

Kahit nataon ang trabaho sa kanilang wedding preparation, nagpapasalamat pa rin si Carla dahil sa kanilang mga proyekto.

Sa kaniyang YouTube vlog, sinabi ni Carla na tatagal ng hanggang Setyempre ang hindi nila pagkikita ni Tom.

“It’s going to be like that until September," anang aktres. "It’s going to be the longest time we’ll be apart which is more or less four months."

Kailangan din daw munang alisin ni Carla ang kaniyang engagement ring.

“That’s okay because pretty soon, I get to wear that again. Not just that because pretty soon, there will be a wedding ring along with that engagement ring,” dagdag niya.--FRJ, GMA News