Ikinuwento ni Mikee Quintos na dumaan din siya sa krisis dahil sa pandemya at umabot pa siya sa punto na nag-isip kung magpapatuloy pa ang showbiz. Ang nagsilbi niyang inspirasyon para bumangon--ang K-pop group na BTS.

Sa programang "Mars Pa More," ipinakita ni Mikee ang koleksiyon niya ng BTS merchandize. Kabilang dito ang ilang inumin na hindi niya binuksan.

Kuwento ni Mikee, nakita niya sa BTS kung gaano ka-epektibo ang pag-endorso ng mga celebrity sa mga produkto. Aniya, bibilhin ng tagahanga ang produkto kahit hindi naman kailangan para masuportahan lang kanilang idolo.

"When I see it in the store I buy it. Kasi napapa-happy ako, support ko 'to sa kanila. Kikita sila rito kapag bumili ako," masayang sabi ni Mikee sa pagbili ng produkto ng BTS.

Taong 2020 sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic nang makaranas daw si Mikee ng "crisis" sa buhay.

"In the middle of lockdown you have a lot of time to think, nagka-crisis ako. Umabot ako sa point na inisip ko kung gusto ko pang mag-artista," pagbahagi niya.

"Tapos bumalik yung fire ko, yung drive ko after watching them [BTS], and hearing about them yung story nila na how they started. It was really hard nung umpisa," sabi pa ni Mikee.

Patuloy niya, "And look at them now. Doon ako naka... Ok if they can do that and they're still humble so parang what's wrong with starting again."

Kasunod nito ay muli raw na-inspire si Mikee sa music at abangan daw ang kaniyang next single.

Bukod sa bagong single, naging sunod-sunod din ang proyekto ni Mikee.

Matapos ang "The Lost Recipe," mapapanood siya sa "Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento."

--FRJ, GMA News