Excited nang ipagpatuloy ni Sofia Pablo ang naudlot na kuwento ng karakter niyang si Len Len sa book 2 ng "Prima Donnas." Pero bago nito, gaganap muna siyang sirena sa isang episode ng Regal Studio Presents.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kasama na rin sa book 2 ng "Prima Donnas" sina Allen Ansay at Bruce Roeland.

"Gusto ko pong ituloy 'yung hindi ko po napakita na istorya ni Len Len, at ngayon talagang makaaasa 'yung tao na worth it naman po 'yung paghihintay nila kay Len Len," sabi ni Sofia.

Matatandaang hindi na nakasama si Sofia sa pagbabalik taping ng "Prima Donnas" noong nakaraang taon alinsunod sa ipinatutupad na quarantine protocols tungkol sa mga menor de edad sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Inanunsyo naman na inihahanda na ang book 2 ng Prima Donnas.

Pero bago nito, bibida muna sina Sofia, Allen at Bruce sa Regal Studio Presents "Raya Sirena" na mapapanood sa Sabado ng gabi.

Gaganap si Sofia bilang isang spoiled brat na may sama ng loob sa kaniyang ama dahil hindi siya nito binibigyan ng atensyon.

Dahil dito, isinumpa siya at naging sirena.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News