Inihayag ni Alden Richards na humihiling siya ng retakes sa direktor kung pakiramdam niyang kulang o bitin ang kaniyang ibinigay sa mga eksena.

"Hindi kasi ako masyadong nanonood ng playback scenes sa trabaho ko kasi I tend to be a critic of my own work. Every scene that I do bine-base ko lang siya sa feeling ko after that scene," sabi ni Alden sa Online Exclusive.

Nagkomento si Alden sa fight scene ng kaniyang karakter na si Louie, at ni Brian, karakter ni Tom Rodriguez, sa airport sa "The World Between Us."

"If I felt like okay na siya, I won't ask for another tape. But sometimes kapag alam kong kulang 'yung nabigay ko, after the scene, nagre-request pa ako kay direk ng isa, kasi feeling ko mali 'yung naibigay ko or kulang or over," ani Alden.

Para kay Alden, mahalaga na pinupuna rin ng isang aktor ang kaniyang sariling pag-arte.

"So I think the best critic really is yourself eh with your work. Gano'n akong magtrabaho, para hindi half-baked 'yung mga pinapakita natin na eksena," anang Asia's Multimedia Star.

Ang "The World Between Us" ay tungkol sa magkababatang sina Louie at Lia. Naniniwala silang sila ang para sa isa't isa, ngunit may mga tao na humahadlang sa kanilang pag-iibigan.

Leading lady ni Alden sa naturang series si Jasmine Curtis-Smith.--FRJ, GMA News