"Answered prayer" kung maituturing ni Bettina Carlos ang naranasan nilang 34 oras na brownout sa San Juan, La Union matapos matutunan ng kaniyang anak na hindi madali ang buhay sa lahat ng pagkakataon.

Sa Instagram, ibinahagi ni Bettina ang larawan ng anak na si Gummy na flashlight lang ang ginagamit sa pag-aaral.

 

"Hello!!!We are well!!! After 2 nights may kuryente na kami. 34hrs is the longest we have gone without electricity and water in our faucet," sabi ni Bettina.

Dagdag ni Bettina, naranasan nilang mano-manong mag-igib sa poso para sa kanilang lulutuin at panghugas ng mga plato,  paypayan ang kanilang mga sarili, at maghanap ng ano mang maaaring magamit pang-ilaw para sa pagbabasa at pagluluto.

Ayon pa kay Bettina, kinailangan na nilang magluto ng panghapunan pagkatapos mag-almusal para sulitin ang liwanag.

Pagbabahagi ng aktres, naranasan niya rin ang hirap ng buhay noon tuwing may brownout.

"This was an answered prayer actually na maranasan ni Gummy ang brownout parang nung bata kami ni Mikki. Walang generator. Ang difference lang ay dati flash light ngayon [rechargeable] shoot lights ni daddy. May gripo kami nung bata at ngayon ay poso lang. Talagang mano mano. Nagiigib kahit umuulan. Nagpupuno ng drum para may reserba. Nagsasalok ng tubig sa balde at tabo para maghugas ng pinggan. 3x a day so kamusta naman ang mga balakang," ayon kay Bettina.

"We thank the Lord na naranasan to ng anak namin. I know dasal ng mga magulang na dumaan sa challenges ang mga anak nila -big and small as opportunities to train them for life. Para tumibay sila. At matuto. Na hindi lahat madali at laging convenient. Na ang mga bagay ay may hangganan at nauubos. Na dapat maging wise sa paggamit ng resources at hindi porque masagana ay parang unli itrato. Na hindi ka entitled to live comfortably. Na makita at mabilang ang mga biyaya sa lahat ng sitwasyon - we were dry, safe, our food in the ref didn't spoil (mabuhay ang panasonic ref!!! Hehe), we had stuff to cook, had food on the table, ate comfortably, still had mobile data for internet for schooling and a car to charge our gadgets... and also friends who offered us to fully charge all our lights and laptops (sa kabilang city pa sila-thank you Banals!)," paglalahad pa niya.

"Walang karapatang sumimangot, uminda o magreklamo," sabi ni Bettina, na nagpasalamat sa kanilang mga "blessing" kahit brownout.

"It was a pleasant sight for me to see my child go through this brownout experience and watch my husband respond with joy&grace.TYL!" — VBL, GMA News