Hindi mapigilang maging emosyonal ng celebrity dads na sina Juancho Triviño, Mark Herras at Rodjun Cruz matapos silang mawalay sa kani-kanilang pamilya para sa lock-in taping ng kanilang mga proyekto.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing hindi napigilan ni Juancho na maging emosyonal nang kailanganin na niyang mag-quarantine para sa taping ng kinabibilangan niyang drama series.

Tatlong buwan pa lamang ang anak nila ni Joyce Pring na si Baby Liam at alam niyang kailangan ng kaniyang asawa ng katuwang sa pag-aalaga sa kanilang anak.

"'Yung anxiety na naramdaman ko being away from Joyce tsaka now, son ko, medyo malakas siya, kakaiba. So hindi ko napigilang maging emosyonal nu'ng umalis ako," sabi ni Juancho.

Bago nito, kaliwa't kanan ang sorpresa ni Juancho sa kaniyang misis at todo effort pa siya mula sa pagbibigay ng bulaklak, gimik na sorpresa.

Samantala, sa lock-in taping na nagdiwang ng kaarawan si Rodjun.

Unang beses ni Rodjun na malayo sa kaniyang pamilya sa araw ng kaniyang kaarawan.

Kaya naman sobra ang saya ng aktor nang sorpresahin siya ng kaniyang pamilya sa isang birthday salubong sa pamamagitan ng Zoom meeting.

"Naging emotional din ako eh, kasi hindi ko maki-kiss si Baby Joaquin, hindi ko maki-kiss si Dianne. Tapos 'yung mga family members hindi ko maha-hug, hindi ko sila personally makakasama. Pero nakumpleto pa rin 'yung birthday ko kasi sinurprise nila ako," ani Rodjun.

Hindi rin naiwasan ni Nicole Donesa na maging emosyonal sa pag-alis ni Mark sa kanilang tahanan para sa lock-in taping ng upcoming Kapuso series na "Artikulo 247."

Kinagabihan bago sumalang sa lock-in taping, hindi makatulog ang dalawa habang binabantayan ang kanilang anak na si Baby Corky.

“I don't know, I'm excited to work, but I don't wanna leave the house," pabulong na komento ni Mark. --Jamil Santos/FRJ, GMA News