Tandang-tanda pa Faye Lorenzo ang naramdaman niyang kaba nang una siyang sumalang sa longest-running gag show na "Bubble Gang," at si Michael V. kaagad ang kaeksena niya.

"Noong una kinakabahan talaga ako eh kasi noong first time ko tapos ang kaeksena ko na agad si Kuya Bitoy (Michael V)," kuwento ni Faye sa GMA Regional TV Early Edition.

"Nanlalamig ako, ang lamig-lamig sa studio pero alam mo 'yung nanlalamig ka na nagpapawis ka. Ganoon 'yung pakiramdam ko," patuloy niya.

Gayunman, si Bitoy ang nagpayo sa kaniya na mag-chill lang sa set.

"Tapos mabuti na lang si Kuya Bitoy kasi napaka-humble tapos tinuturuan niya ako kung paano na 'Oy chill ka lang! Kalma ka lang!' Parang ako, 'Ah okay, kalma lang ako,' ganoon."

Inilahad ni Faye na natutunan niyang maging isang propesyunal sa kaniyang pagiging mainstay sa "Bubble Gang."

"Ang natutunan ko is 'yung pagiging professional pagdating sa trabaho. Kasi lahat sila, as in mga professional sila. Kapagka nasa akin na 'yung script, inaaral ko na siya sa bahay pa lang para pagdating ko roon sa eksena, alam ko na 'yung gagawin ko. Hindi na ako 'yung lilipad 'yung mata ko," anang Bubble Gang babe.

Natutuwa rin si Faye sa bonding nila kasama ang iba pang cast ng naturang gag show.

"Sobrang saya eh kasi kami sa Bubble, parang pamilya. Family ang turingan namin lalo na kapag script reading namin or break. 'Yung bonding namin hindi lang magkakatrabaho, family talaga," ayon sa aktres.

--FRJ, GMA News