Hindi raw napigilan ni Marian Rivera na maluha nang magpaalam siya sa mga anak na sina Zia at Ziggy bago lumipad papuntang Israel bilang isa sa mga hurado sa Miss Universe pageant.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing dumating na si Marian sa Israel bago mag-5:00 pm nitong Martes.

Bago nito, namumugto raw ang mga mata ni Marian nang makita ng GMA News sa airport bago lumipad patungong Israel nitong Lunes ng gabi.

Ito raw kasi ang unang pagkakataon na mawawalay ng ilang araw si Marian kina Zia at Ziggy sa loob ng dalawang taon.

Hindi naman hinayaan ni Dingdong na lumipad na mag-isa ang kaniyang asawa para mag-judge sa Miss Universe kaya todo-suporta siya kay Marian.

Ibinahagi ni Marian sa kaniyang Instagram stories nitong Lunes ang sweet moments nila ni Dingdong habang nasa flight patungong Dubai bago tumulak pa-Israel.

Bahagi si Marian ng selection committee ng 70th anniversary edition ng naturang paligsahan.

Si Marian ang latest na Pinoy na uupo bilang judge sa Miss Universe, na isa sa longest-running at most prestigious pageant sa mundo.

Kasama rin nina Marian at Dingdong ang glam team ng Kapuso Primetime Queen at mga opisyal ng Triple A Management.

Dala nila ang aabot sa 10 maleta na naglalaman ng 20 outfits na pagpipilian para sa maraming events na dadaluhan ni Marian.

Mabilisan lang umano ang paghahanda nila sa mga outfit ni Marian, na halos mga lokal na designers ang gumawa.

Dagdag pa nila, naging hadlang din ang COVID protocols kaya hindi umabot ang ilang gowns mula sa ilang international designers. Pero nakapag-fit at naayos nila ang mga magiging look ni Marian sa huli.--Jamil Santos/FRJ, GMA News