Kilala sa kanilang paghahatid ng saya sa mga tao, ikinuwento nina Boobsie Wonderland at Divine Tetay kung paano sila sa totoong buhay at ang tunay nilang mga pangalan.

"Si Baby Boobsie po kasi is character lang naman as a giant baby sa telebisyon. Pero sa totoong buhay, isa po akong ina ng dalawang bata, at asawa," sabi ni Boobsie sa "Mars Pa More."

Inilahad ni Boobsie, o Mary Jane Arrabis sa tunay na buhay, na nagkaroon ng pagkakataon ang kaniyang mga anak na makita siyang nakagayak bilang si Boobsie nang mag-livestream siya sa kanilang tahanan sa Bulacan nang dumating ang pandemya.

"Halimbawa umuuwi ako sa Bulacan, doon ako nagse-set up ng pagla-livestream ko tapos malikot sila, Baby Boobsie ako. 'Pag hindi nakikinig, tumataas na 'yung boses ko," anang komedyana.

Ipinarinig ni Boobsie sa programa ang kaniyang tunay na boses, "pero kapag iniisip ko na ako si Boobsie, doon pumapasok 'yung pagbe-baby ko," saad niya.

Si Tetay naman, o Kenneth Ocampo sa tunay na buhay, pinagkakaabalahan ang kaniyang skin care at ang pagliligpit sa kaniyang tahanan.

"I like to cook also," sabi ni Tetay.

"There are times when I just want to be quiet lang, just shut this mouth and wala lang. Minsan 'yung parang hindi mo nahahanap 'yung vibe or you're just in the mood to just be quiet," sabi ni Tetay.

Sang-ayon sina Boobsie at Tetay na mahirap ang pagiging komedyante sa larangan ng pag-aartista.

"Lalo na kapag may mga problema, hindi mo naman puwedeng i-show sa tao na may problema ka kasi 'yung mga tao nga ang humuhugot ng katuwaan sa'yo," sabi ni Boobsie.

"If you show them that you're sad or like 'yung 'O bakit ka umiiyak?' Ah wala ba akong karapatang umiyak o malungkot?" komento naman ni Tetay.

"It's a little hard so ngayon parang I decided na it's a lot better now for me na maging sexy star na lang muna," biro ni Tetay.

--FRJ, GMA News