Nagkaroon ng panahon sa sarili si Kim Domingo matapos piliing maging single na higit isang taon na ngayon.

Sa panayam ng showbiz press nitong Miyerkules, sinabi ni Kim na ito na ang pinakamatagal na panahon na wala siyang karelasyon.

“Wala akong naging time na maging single talaga. Ngayon lang. Sobrang na-enjoy ko siya. Walang sakit sa ulo. Masarap sa feeling na ngayon, yung sarili ko lang muna yung iniisip ko,” saad niya.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Kim na “single but happy” siya, at hindi pa siya handang pumasok muli sa isang relasyon.

Samantala, habang single ay tinutukan naman ng aktres ang kaniyang bagong bahay na nais niyang lipatan bago ang Pasko.

“Napakasaya ng magiging Pasko ko and siyempre sa family ko rin kasi ’yon yung matagal na rin nilang gusto. Kasi dati nagre-rent lang ako,” ayon kay Kim.

“Feeling ko compared to last year, mas magiging okay yung Pasko nating lahat ngayon kasi bumababa na rin yung cases [ng COVID-19), thank God,” sabi pa ng aktres na isa ring COVID-19 survivor.

— FRJ, GMA News