Inanunsyo ni Chito Miranda na may bagong song album ang banda niyang Parokya ni Edgar na may titulong "Borbolen."

Sa Instagram post nitong Miyerkules, sinabi ni Chito,  frontman ng banda, na ilan sa kanta sa bagong album ay isinulat nila matapos na ilabas ang album nila na "Pogi Years Old," limang taon na ang nakararaan.

Habang ang ibang kanta sa "Borbolen" ay ginawa nila ngayong panahon ng pandemic.

"'Yung iba, sinulat at ni-record namin during the pandemic and was recorded and mixed via email and Google Drive," saad niya. "Kumbaga pasahan lang ng files."

 

 

Isa rin umano sa kanta sa ilalabas nilang bagong album ay dapat na kasama umano sa dati nilang album na "Bigotilyo," na inilabas naman noong 2003.

"'Di pinayagan pero ngayon, nilabas na rin namin (bahala na)," natatawang sabi ni Chito.

Available umano ang "Borbolen" sa lahat ng digital platforms.

Nitong nakaraang taon, nakasama ang Parokya ni Edgar sa top OPM artists sa Spotify.

—FRJ, GMA News