Hindi raw inisip noon ni Angelika Dela Druz na mapapasok siya sa showbiz dahil ibang propesyon ang pangarap niyang gawin.
Sa GMA Regional TV Early Edition na Biztalk, sinabi ni Angelika na pangarap niya noon na maging isang archaeologist.
"When I was younger I want to be an archaeologist. O 'di ba very 'Indiana Jones,'" patungkol ng aktres sa action-adventure movie noon ni Harrison Ford, na gumanap sa role bilang archaeologist.
Kuwento pa ni Angelika, hinamon siya noon ng kaniyang mga kaibigan na sumali sa singing contest sa isang paaralan.
Pero dahil hindi naman talaga siya singer noon, sinabi ng aktres na natalo siya. Gayunman, napansin daw ng kaniyang ama na may "timbre" ang kaniyang tinig kaya sinanay siya hanggang sa maging isa siyang mang-aawit.
At mula sa pagkanta, napasok na rin niya ang pag-arte.
Nang tanungin kung ano sikreto niya para tumagal sa shwobz, sinabi ni Angelika na kailangan lamang na mahalin ang trabaho.
Paliwanag niya, automatic nang magiging propesyonal ang isang artista kapag minahal niya ang trabaho. Kasama rin ang pagpapahusay pa sa kaniyang talento at mamahalin na rin niya ang mga makakasama niya sa trabaho.
Pagdating sa role, sinabi ni Angelika na wala siyang partikular na nais pang gawin. Pero mas gusto niya na kakaiba ang magiging role niya mula sa dati niyang ginawa.
Ngayon, mapapanood si Angelika upcoming series na "Little Princess", kasama si Jo Berry, na inilarawan niyang mabait, mahusay at palaging masayahing katrabaho.
--FRJ, GMA News
