Inalala ni Crystal Paras ang kaniyang embarrassing moment nang maging totohanan ang pagbatok niya sa beteranong aktor na si Albert Martinez dahil sa sobra niyang kaba sa isang taping.

"It was my first time to work with him sa drama, sa Wish Ko Lang, I was super nervous," kwento ni Crystal sa Mars Pa More.

"There was one time na maraming distractions sa labas, mga ilang take 'yun na first time na almost 10, kasi nabubulol ako at the same word," paglalahad pa niya.

Ang tinutukoy ni Crystal ay "A Second Chance" episode na ikatlong anniversary offering ng "Wish Ko Lang," kung saan gumanap si Albert bilang isang ex-convict na si Fred.

Gumanap si Crystal bilang malditang girlfriend ng karakter ni Kelvin Miranda.

Sa kaniyang role, wala dapat respeto si Crystal sa karakter ni Albert.

"May part na sabi ko 'Dadayain ko 'yung pagbatok ko kay sir Albert. Pero I ended up na totoong batok. Sabi ko 'Hala! Nakakahiya!'" kwento ng Kapuso actress.

Gayunman, humanga si Crystal na napanatili ni Albert ang composure at professionalism nito.

"Napatingin lang siya sa akin, sabi ko 'Sir sorry po.' Sabi niya 'It's okay, it's okay.' Grabe 'yung what they say 'gravitas' ni Sir Albert. Para siyang magical talaga. He's amazing," ani Crystal. —LBG, GMA News