Emosyonal na ibinahagi ni Pokwang ang mga panahon na kasama pa niya ang kaniyang ina na pumanaw noong 2020 na kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

"Si nanay kasi, well 12 kaming magkakapatid. Sobrang idol ko 'yon. Hindi ko alam kung paano niya kami inalagaan lahat. Sobrang idol ko 'yon," paglalahad ni Pokwang sa programang "Mars Pa More."

"Kaya ako kapag namomroblema ako sa mga anak ko, iisipin ko siya. 'Hello, kinaya nga kami nito, dose [na anak]? Ito pa kayang mga anak ko, ilan lang ito, 'di ba?,'" saad ni Pokwang.

Pag-alala ni Pokwang, ang kaniyang ina, na isang mananahi, ang mismong gumagawa ng kaniyang mga costume sa mga dance contest na sinasalihan niya.

"Kunsintidora sa akin. Tumatakas kami sa gabi para pumunta sa mga contest. 'Yung tatay ko ayaw kasi nga delikado 'yung labas-labas sa gabi," anang komedyana.

"Lagi akong nangangako sa kaniya, 'Huwag kang mag-alala, bibigyan kita ng magandang buhay. Makakaluwag-luwag tayo.' Pinangakuan ko siya ng singsing, pinangakuan ko siya ng alahas."

Natupad ni Pokwang ang kaniyang mga pangarap para sa ina nang makapagtrabaho siya sa Japan hanggang sa maging artista na.

Bagaman payapang pumanaw habang natutulog ang kaniyang ina na may dementia noong Oktubre 2020, nalulungkot si Pokwang dahil hindi na niya mayakap noon ang ina dahil sa pandemic at nagsimula na muli siyang magtrabaho.

Bukod dito, nagkaroon din ng dementia ang ina ni Pokwang kaya hindi siya makilala sa tuwing sumisilip siya sa kuwarto nito.

"Hanggang sa tuluyan na niya kaming iniwan nang hindi [man lang ako] nakapagpaalam," naiiyak niyang kuwento.

Mapayapa naman daw na namaalam ang kaniyang ina sa kanila.

Nang ipaalam sa kaniya na wala na ang kaniyang, dali-dali daw siyang pumunta sa kuwarto at mahigpit na niyakap na ang kaniyang ina.

"'Yun naman ang pinagdasal ko. Sabi ko 'Lord, marami na po siyang sakripisyo sa amin. Marami na siyang pinagdaanan. Sana kung kukunin mo siya sa amin, 'yung mapayapa. Malakas ako sa Iyo, thank you po!' Pinakinggan Niya 'yung dasal ko," sabi ni Pokwang.

"Iniisip ko na lang na, siya 'yung isa sa mga guide ko ngayon. Na proud siya sa akin kung ano 'yung narating ko, kung ano 'yung ginagawa ko ngayon. Alam kong proud siya," dagdag ng aktres.

--FRJ, GMA News