Mapangahas ang karakter na gagampanan ni Lianne Valentin sa "Apoy sa Langit," bilang anak at secret lover ni Zoren Legaspi.
Sa ulat ng GMANetwork, ikuwento ni Zoren ang pagsisimula ng working relationship nila ni Lianne sa lock-in taping ng soap na walang pansinan.
Sa nakaraang virtual media conference, sinabi ni Zoren na pinag-aralan niya si Lianne, gaya ng ibang artista na first time niyang makakatrabaho.
"I tried to study her, kung ano na ginawa nito. Pinanood ko 'yung mga few scenes niya kasi kailangan kong bagayan kung paano siya e. That's how I work. Ginu-Google ko talaga ang katrabaho ko so that makita ko kung ano 'yung personality, 'yung kalibre ng kanilang mga trabaho," paliwanag ng aktor.
Dahil may mga daring scene sila, tinanong daw ni Zoren si Lianne kung alam ng kaniyang mga magulang ang role niya sa kanilang proyekto.
"Noong nasa Zoom kami I tried to chat with her, nakita ko, oh shoot, medyo 'yung mga eksena pala delicates. Ibig sabihin very sensitive 'yung mga eksena, mainit, nakakapaso," saad ni Zoren.
"I said, 'Hi, sabi ko ilang taon ka na?' Then she answered ganitong age. And I asked again something, 'Alam ba ng parents mo ang gagawin mo?'," patuloy ng aktor.
Pero hindi umano sumagot ang young star kaya hindi muna niya ito pinansin sa kanilang lock-in taping.
"'Yung first few days namin hindi ko siya pinapansin. Kaya siya natakot kasi feeling niya hindi ko talaga siya gusto. Sa akin is, okay if you want to work that way, I guess magkita na lang tayo pag nag-countdown five, four, three, two, one, action. Doon na lang tayo magkakaroon ng relationship," patuloy ni Zoren.
Pero sa unang eksena na kinunan sa kanila, naramdaman na raw niya ang kaba ni Lianne kaya kinausap na niya ito para mapakalma at maging relax sa kanilang trabaho.
"Naramdaman ko 'yung fear kaya kinausap ko siya sa isang sulok and then I asked 'Kumusta ka? Natakot ka na 'no? You want to back out?' 'Di ko na sasabihin 'yung ibang napag-usapan doon," ayon kay Zoren.
Patuloy pa ng aktor, sinabi rin sa kaniya ng kanilang batikang direktor na si Laurice Guillen ang katangian ni Lianne.
"Like what Direk Laurice said, she's a fighter, doon ko naramdaman na 'I want to fight,' it's just that this arena is very new to her. Nangangapa talaga siya," dagdag ni Zoren.
Samantala, thankful naman si Lianne na inilarawan si Zoren na mabait, generous at professional na katrabaho.
Kasama rin sa serye sina Maricel Laxa, Mariz Ricketts at Mikee Quintos.
Magsisimulang mag-init ang hapon sa GMA Afternoon Prime simula ngayong Lunes, May, 2, 2022, sa world premiere ng "Apoy sa Langit." --FRJ, GMA News
