Dahil sa kanilang pagkakahawig sa mukha at hubog ng katawan, inaakala paminsan ng mga tao na si Jason Abalos si Rayver Cruz, at si Rayver bilang si Jason.

Sa Mars Pa More, sinabi ni Jason na maging siya ay nalilito rin paminsan sa kanilang dalawa ni Rayver.

"Minsan nasa EDSA ako, akala ko meron akong billboard doon, siya pala," biro ni Jason.

Kuwento pa ni Jason, minsan namang napagkalaman si Rayver bilang siya sa isang trip nila sa Singapore.

ADVERTISEMENT

"So ang kuwento ko, nasa Singapore kami, naglalaro kami ng basketball, meron siyang ginawang kalokohan, hindi ko sasabihin kung anong kalokohan ito," sabi ni Jason.

"Pagkagaling sa kalokohang paggawa niya, nakita siya ng mga Pilipina, ang kita sa kaniya, ang akala nila ako. 'Uy Jason!'" pagpapatuloy ni Jason.

Dahil daw dito, nakaisip ng paraan si Rayver kung paano siya makakalusot sa kakengkoyan na ginawa niya sa abroad.

"Siyempre si Rayver na may ginawang kalokohan, napag-isip, 'Uy makakasalba ako rito!' 'Yes ako nga 'yun! Kumusta?'" kuwento ni Jason tungkol sa pagpapanggap ni Rayver bilang siya.

"Sinabi niyang siya ako para lang hindi siya makuwento na gumawa siya ng kalokohan," biro pa ni Jason.

Ayon kay Jason, mabuting magkaibigan sila ni Rayver at madalas silang magkasama.

"Buddy buddy kasi kami ni Rayver kahit saan. Kahit saan. Mga out of town, kami ang magkasama sa kuwarto." —LBG, GMA News