Ngayong limang taong gulang na si Alexandria Athena, may plano na kaya si Rufa Mae Quinto at mister niyang si Trevor Magallanes na magkaroon ng baby number 2?

Sa programang "The Boobay and Tekla Show," inihayag ni Rufa Mae na wala naman siyang magiging problema kung muli silang pagkalooban ng anak.

"Tinatanong nga niya ako eh (Athena). Gusto ko siyempre, pero God's will, thy will be done," anang aktres.

Gayunman, kontento na raw sa ngayon si Rufa sa nag-iisang anak nila ni Trevor.

"Pero kung hindi man, okay lang na huwag na muna. Kasi kakabalik ko pa lang. Tsaka parang ayoko na rin. Honestly parang sa akin, okay na ako, at least nagka-isa na," sabi ni Rufa.

Paglalahad ni Rufa, mayroon na ring anak si Trevor sa nauna nitong nakarelasyon, kaya may kapatid na si Athena.

"May kapatid naman na siya na isa, naghahanap. Si Troy kasi may anak sa unang ganap," saad niya.

Dalawang taon dalawang taon na nanirahan sa US si Rufa kasama ang kaniyang mister at anak nang abutan doon ng COVID-19 lockdown.

Muli namang mapapanood si Rufa sa bago niyang GTV sitcom na "Tols" kasama ang Kapuso young hearetthrobs.--FRJ, GMA News