Sinagot ni Rufa Mae Quinto ang tanong kung na-in love na siya sa isang lalaki na pagkatapos ay nalaman niya na lalaki rin pala ang gusto.

Sa isang segment sa show na "The Boobay and Tekla Show," nilinaw muna ni Rufa Mae ang tanong kung na-in love na ba siya sa bading.

"Oo," ang sabi ng aktres pero hindi niya pinangalanan kung sino ang mga ito.

"Wag na 'yong kung sino kasi ilang beses," paliwanag niya. "Marami."

"Attracted ako sa bading," pag-amin pa niya. "Kaya nga late ako nag-asawa."

Biro ni Rufa, madalas siyang nakaka-relate sa mga bading kaya napagkakamalan din niya ang sarili noon na isa siya sa mga bading.

"Sabi ko, 'Ay! Hindi pa ako nag-aasawa. Sandali, babae pala ako. Kasi parang nakalimutan ko noon, akala ko bading na rin pati ako.'"

Tinanong si Rufa kung paano niya nalaman na bading ang lalaki na nagpatibok ng kaniyang puso.

"Baka naman hindi, half-half lang siguro," muling biro ng komedyana.

"Hindi ko nalaman. Umamin naman," sabi niya.

Si Rufa ay ikinasal sa Filipino-American na si Trevor Magallanes, at mayroon na silang anak na si Alexandria Athena. --FRJ, GMA News