Kung may mga buntis na pagkain ang pinaglilihian, ang lalaking nakita sa peryahan sa Davao de Oro na kahawig na kahawig ni Jericho Rosales, ipinaglihi raw ng ina sa aktor.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," natunton ang tirahan ng ka-look-alike ni Echo na si Junrey Bauh sa Monkayo, Davao de Oro.

Ayon sa tatay ni Junrey na si Jesus, nang ipinagbubuntis ng kaniyang misis ang kanilang anak, hilig daw ng ginang panoorin sa TV ang aktor.

"Kakain siya dadalhin niya talaga diyan malapit sa tv ang pagkain,' kuwento ni mang Jesus.

Ang kapatid ni Junrey na si Myrna, sinabing sa kanilang walong magkakapatid, si Junrey lang ang naiba ang hitsura.

Sa labas ng kuwarto ni Junrey, makikita ang poster o malaking larawan ni Echo na binili ng kaniyang ina.

Noong nag-aaral pa, kinakikiligan daw at campus crush talaga si Junrey. At kapag may pageant, lagi siyang may partipasyon.

Bukod sa magkahawig, may pagkakatulad pa raw na iba sina Echo at Junrey. Gaya ng hilig sa pagmomotor, at maagang natutong magbanat ng buto para suportahan ang pamilya.

Bukod sa pagtatrabaho sa rubber plantation, kumakayod din si Junrey bilang construction worker.

Pero mula nang mag-viral ang kanilang larawan niya bilang look-alike ni Echo, tila magbabago na rin ang kaniyang buhay lalo pa't may negosyanteng kumuha na sa kaniyang maging endorser ng produkto. Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA News