Inilahad ni Jeric Gonzales ang matinding hamong naranasan niya sa kaniyang showbiz career nang mag-viral noon ang nude photos at video na iniuugnay sa kaniya.
“Hindi ko alam kung paano siya i-ha-handle that time,” pag-amin ni Jeric sa “Updated with Nelson Canlas” podcast.
“Parang gusto ko na ngang huwag na lumabas, mag-quit. Huwag na magpakita kasi ganoon pala ang feeling kapag nag-trend ka, nag-trend not in a good way. Parang tingin mo lahat ng tao 'yung tingin sa ‘yo hindi maganda.”
Pag-amin pa ni Jeric, bumaba rin ang kaniyang kumpiyansa sa sarili dahil sa nangyari.
“Nakakahiya talaga. Wala 'yung self-esteem mo, talagang down talaga,” saad ng "Start-Up PH" actor.
Taong 2016 nang lumabas ang naturang mga larawan at video scandal na sinasabing si Jeric.
Pinili noon si Jeric na manahimik na lang at hindi nagpaunlak ng mga panayam.
Pero sa kaniyang pagbabalik, isang bagong Jeric ang nakita ng publiko, na natutong maggitara at kumanta.
Nagpasalamat si Jeric sa gabay at suportang ibinigay sa kaniya ng GMA management sa kaniyang pinagdadaanan.
“Ginuide talaga nila ako na kahit na anong isyu yan, parang if you will do good, parang mas makikita nila 'yung positive sa ’yo, yung good sa ‘yo, 'yung pagbabago sa ‘yo. Kung paano ka nag-rise up, kung paano ka tumayo doon sa pagkakadapa mo, 'yung sa pagkakamali mo, to a good way na na-improve mo 'yung sarili mo,” saad niya.
“Ipakita mo na mas naging strong ka, mas nag-improve ka. And then mas na-inspire ka, mas na-motivate ka dahil sa nangyari,” dagdag ni Jeric.
Pinasalamatan din ni Jeric ang kaniyang pamilya na patuloy na naniwala at sinuportahan siya.
“Hanga din ako sa kanila kasi nandiyan lang sila sa tabi ko. Kahit nasasaktan sila, hindi nila ako dini-discourage, hindi nila ako pinagbabawalan na 'Huwag na, tama na, quit ka na.'”
“They still believed in me, na kaya ko talaga na magsa-succeed talaga ako dito sa showbiz. Nakikita nila kasi na ito ang passion ko, na ito talaga ang dream ko so ayun, sinusuportahan nila ako. Kahit nasasaktan ako, nandiyan sila sa tabi ko, and gina-guide nila ako,” ayon sa aktor.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
