Humakot ng 14 international recognitions at awards ang independent film na "Broken Blooms" na pinagbibidahan ng Kapuso stars, kabilang sina Therese Malvar at Jeric Gonzales.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing sumasalamin ang Broken Blooms sa realidad ng kahirapan ng ilang pamilyang Pilipino.
"'Yung mga kabataan ngayon nag-struggle sila, lalo na global pandemic, it applies to all young couple na maghihiwalay because of so many problems," sabi ng producer ng Broken Blooms na si Engr. Benjie Austria.
Kinilala kamakailan sa Brasilia International Film Awards ang galing ng pelikula na binubuo ng Kapuso stars na sina Jaclyn Jose, Lou Veloso, Boobay at Royce Cabrera, bukod kina Jeric at Therese.
Ang pelikula ay sa direksyon ni Louie Ignacio.
"Nakakataba po ng puso na malaman na naka-14 international awards na po ang Broken Blooms. Taos-puso po akong nagpapasalamat sa lahat ng nag-recognize sa amin," sabi ni Jeric.
Unang pagkakataon ni Therese na gumanap sa mature role bilang asawa ng karakter ni Jeric.
"Nag-try talaga siya, nag-effort siya para maging kumportable kami sa isa't isa. Kahit wala kaming workshop, kung paano magkaroon ng chemistry, siya talaga ang gumawa ng paraan," sabi ni Therese.
Ibang Boobay din ang mapapanood ng mga Kapuso sa pelikula.
"Binigay ko 'yung buong puso ko talaga para sa karakter na 'yon, na lumayo sa the usual Boobay na nakikita ng ating mga minamahal na mga Kapuso," sabi ni Boobay.
Sasali pa ang Broken Blooms sa ibang international film competitions, at magkakaroon din ito ng local screening. — Jamil Santos/VBL, GMA News
