Ngayong pumasok na rin sa showbiz ang magkapatid na Tanya at Saviour Ramos, sino nga ba sa dalawa ang mas binabantayan ng kanilang ama na si Wendell? Alamin kung sino at bakit.
Sa episode kamakailan ng Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga, isa sa choices si Tanya, dito niya ikinuwento na sabay sila ng kaniyang kuya Saviour na nag-audition para sa "Sparkada" ng GMA last year.
Tinanong ni Dabarkads Ryan Agoncillo, kung sino sa kanila ni Saviour ang mas tinututukan ni Wendell nang pumasok sila sa showbiz.
"Si Kuya po," natatawang sabi ni Tanya. "Siguro as a girl, mas nakita ni dad na medyo responsible and parang mas nakayanan ko agad than him."
"Parang ang yabang ko tuloy," natatawa pang sabi ni Tanya na 15-anyos lang, na ikinagulat ng mga dabarkads lalo na si Ryzza Mae Dizon.
"'Yun po ang nakita ni dad. He needs more guidance than I do," sabi ni Tanya tungkol sa kaniyang kapatid, na 23-anyos na ngayon.
Mas magaan para kay Tanya na kasama niya ang kaniyang kuya sa pagpasok sa showbiz.
"'Yung kaba and nervousness, nabawasan nu'ng nalaman ko na I'm with my brother. So somehow it gave me comfort and reassurance na everything's gonna be okay when I'm with him."
Nagkasama na rin daw sila ni Saviour sa workshops at mas nakilala pa niya ang kaniyang kuya.
"Surprisingly very close po kami sa isa't isa, like personally close sa isa't isa. So kahit outside the workshops, outside showbiz, we open up to each other," anang Sparkle teen actress.
"Sometimes we joke around na lang po pero I think it helps more kapag nagbibiruan kami, mas nalu-loosen up. Inside the workshop mas nakilala ko pa po siya," dagdag ni Tanya.
Mensahe naman ni Wendell kay Tanya, maging humble and grateful lagi sa lahat na blessing sa kaniyang buhay.
"Be an inspiration also, keep inspiring. We are so proud of you," anang aktor sa kaniyang anak. -- FRJ, GMA News

