Inilahad ni Ice Seguerra na naging mahirap para sa kaniya ang transition niya bilang isang transgender man. Araw-araw, tila gumigising siya na isang lalaki na nasa katawan ng isang babae.
"I’d be very honest having gender disparity is not easy. It’s like literary waking up everyday seeing yourself in a different body. May mga times na kapag may nakikita akong body parts, literal na gusto kong tapyasin kasi alam mong hindi ‘yun sa'yo," pahayag ni Ice sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel.
Ikinuwento ni Ice na naiinggit siya sa mga lalaki na puwedeng maghubad ng damit sa harap ng publiko.
Nang mag-transition na bilang transman, sinabi ni Ice na kabilang din sa mga inisip niya at kailangang harapin ang magiging epekto nito sa kaniyang career bilang isang mang-aawit.
"Especially the first few months after kong mag-transition as transman. When I came out as a transman, I really wanted to do that… apparently my biggest worry was the voice. Because it changes instantly. Yun ang pinakaunang magbabago eh. And of course, there’s no job, I'm a singer," paliwanag ni Ice.
"So, una talaga I don't care. I can sing. Bumaba man ang boses ko alam ko I can find a way of finding my own style again. It was a very long discussion," sabi pa ni Ice, na kabilang sa napag-usapan nila ng asawa niyang Liza Diño.
"So, it’s a very long discussion. Noong una, sinasabi sa akin ni Liza your ‘voice is very unique’… pero ako doon na ako sa ‘I don't really care.’ Wala akong pakialam. Ito talaga eh. Hahanapin ko ang sarili kong style wala akong pakialam," patuloy niya.
Kahit na suportado siya ng kaniyang asawa, napaisip si Ice dahil maaaring mawala nga ang boses na minahal sa kaniya ng fans niya.
"They may love you now, your voice. But you tell me that if you’re willing to go through it. You have to tell me also you are willing to work from scratch again to basically build your fanbase because I’m telling you right now, these are the things you cannot control anymore. That’s market already. Hindi mo makokontrol ang mga tao kung magugustuhan pa rin nila ang bago mong boses. Are you willing to do it?," ayon kay Ice na tanong sa kaniya ni Liza.
Matapos makapag-isip sa mga posibleng mangyari, sinabi ni Ice na nagpasya na siya.
"Doon talaga ako napaisip. Sabi ko 35 years yun ha… Pero sige kapag tipong mayaman na talaga ako, ‘yung tipong bilyonaryo na tayo at hindi na ako aasa pa diyan, game," saad niya.
Bago nito, ibinahagi rin ni Ice sa naturang podcast ang unang pag-amin niya sa kaniyang mga magulang na "lesbian" siya.
Nangyari ito nang patulugin niya sa kanilang bahay ang kaniyang girlfriend na ipinakilala niyang "best friend." Pero nakita sila na magkatabi sa isang kama na parehong nakahubad.
Matatandaang nagsimula sa showbiz si Ice nang sumali ito sa Little Miss Philippines ng "Eat Bulaga."
Matapos bumida sa iba't ibang pelikula at programa sa telebisyon, nakilala rin siya bilang mang-aawit. Si Ice ang nagpasikat ng mga awitin tulad ng "Pagdating ng Panahon" at "Anong Nangyari sa Ating Dalawa." --FRJ, GMA News
