Malaking inspirasyon para kay Marc Pingris ang kaniyang single mom. Sa kaniyang paglaki, nakita ng manlalaro ang hirap ng kaniyang ina na itayod ang kanilang pamilya. Kaya naman sinuklian niya ito nang makapasok siya sa PBA.
Sa latest episode ng "Surprise Guest with Pia Arcangel," ikinuwento ni Marc na inilaan niya sa pagbili ng house and lot para sa kaniyang ina ang naging unang sahod niya noon bilang isang professional basketball player.
“’Yung first salary ko sa PBA dati nung pagka-sign ko pa lang talaga, kumuha talaga ako ng advance talaga. Malapit na kasi birthday ng mother ko nu'n nung time na 'yon, so 'yon yung regalo ko sa kaniya-- house and lot. First salary ko ‘yun pero wala pang kagamit-gamit ang bahay,” pagbabalik-tanaw ni Marc.
Sabi pa ni Marc, hindi niya muna ipinaalam sa ina ang kaniyang plano dahil nais niya itong sorpresahin.
“Sabi ko sa kaniya ‘ma, may pupuntahan tayong birthday party ng kaibigan ko. Sama ka sa akin kasi gusto ka makilala’. And then sumama siya, pagdating namin doon ‘wala naman tao dito e, baka ibang bahay’ ganun, tapos nung iaabot ko na sa kaniya ang susi, ayun umiyak na ako. ‘Happy Birthday, Ma, para sayo to’,” patuloy niya.
Hindi rin itinatanggi ni Marc na isa siyang mama’s boy dahil hindi naman niya nakasama ang kaniyang dayuhang ama. Very close raw siya sa ina kaya noong una siyang lumuwas sa Maynila galing Pangasinan, nalungkot at na-miss niya ito.
BASAHIN: Danica Sotto, naging daan para mahanap ni Marc Pingris ang kaniyang ama sa France
“Kahit mga 10 years old na ako, 12, siya pa talaga ang katabi ko. So mula nung naghiwalay kami ng one week lang umiyak talaga ako dito sa Manila nung time na 'yon. Tapos lagi akong sumusulat sa kaniya na sobrang miss na miss kita ganun. Kasi hindi ako makauwi dahil wala akong pamasahe pauwi diyan, imbes na yung pamasahe ko diyan pangkain ko na dito sa Manila,” ani Marc.
“Pero ang sabi niya lang sa akin, ‘sige 'nak pagbutihan mo, pagbutihan mo. Balang araw makukuha mo rin ang pangarap mo,’” payo sa kaniya ng ina.
Kumain ng panis na kanin
Bagaman maraming naging pagsubok si Marc sa buhay, hindi raw siya nawalan ng pag-asa.
“Sobrang hirap ng buhay ko dito sa Manila dati. Sobrang hirap talaga na na-try ko pa kumain nang panis na kanin,” lahad niya. “Ang pangako ko lang talaga sa buhay ko dati nung kinakain ko yung panis na kanin nun, sabi ko, ‘balang araw makakakain ako ng masarap.’"
“Habang umiiyak ako, hindi ko nginunguya ‘yung kanin na ‘yun kasi panis na siya. Nilulunok ko na lang tapos sabay iniinuman ko ng tubig. Sabi ko balang araw pina-promise ko, kakain talaga ako ng masarap,” dagdag ni Marc.
“’Yun talaga yung nagpursigi sa akin na ipagpatuloy ang pangarap ko. Saka lagi kong iniisip kasi yung mother ko that time na balang araw gusto ko siyang bigyan ng magandang kinabukasan,” sabi ni Marc. --FRJ, GMA News
