Very memorable ang honeymoon trip ng Kapuso actress na si Kris Bernal at asawang si Perry Choi dahil one month silang nag-tour around Europe. Ibinahagi rin ni Kris ang nadiskubre niya sa mister ngayong isang taon na silang mag-asawa.

Sa programang Unang Hirit, binahagi ni Kris ang kanilang adventures sa Switzerland, Italy, Germany, Austria, Spain at Paris, na ginawa nila isang buwan matapos nilang i-celebrate ang kanilang first wedding anniversary.

"Ang dami kong napuntahan pero hindi ko pa napo-post sa vlogs ko. Pero marami pa akong isi-share na pinuntahan namin,” sabi ni Kris.

Favorite umano ng aktres ang Paris, Amsterdam at Prague sa mga bansang nabisita nila. Na-fulfill niya rin ang kaniyang K-drama dreams matapos ang paragliding experience sa Switzerland.

After naman ng isang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa, may mga nadiskubre raw si Kris na katangian ni Perry, tulad ng pagiging very organized nito sa gamit.

“Ang dami kong na-discover sa asawa ko. I didn't know na very organized siya. As in mas babae pa siya sa akin. Gusto niya very neat lahat. Tipong lahat may kaniya-kaniyang storage. Ibang klase,” sabi ng aktres.

Ikinasal sina Kris at Perry noong September 2021. Unang inamin ng aktres ang kanilang relasyon noong 2017. --FRJ, GMA News