Pumanaw man sa edad 75, nananatili pa ring buhay sa alaala ng mga Pilipino ang kontribusyon sa musika ng OPM icon na si Danny Javier. Balikan ang kaniyang naging makulay na buhay at karera.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing namayagpag ang Original Pilipino Music (OPM) noong dekada '70, kung saan sumikat ang grupong APO Hiking Society na kinabibilangan nina Danny, Jim Paredes at Boboy Garrovillo.

Pinasikat nilang mga kanta ang "Ewan," Batang Bata Ka Pa," at "When I Met You."

Nabuwag ang Apo Hiking Society noong 2010 at mula noon, hindi huminto ang fans sa kanilang pakiusap na magkaroon ng reunion sina Danny, Jim at Boboy.

Sa panayam sa kaniya sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” noong 2016, nagkuwento si Danny tungkol sa kaniyang near-death experience.

Gayunman, nalagpasan ni Danny ang kaniyang mga karamdaman, at bumalik siya sa travel at golfing, ngunit nanatili nang pribado ang kaniyang buhay.

Gayunman, hindi pa rin nawala kay Danny ang sining at pagsusulat ng kanta.

"Ang pananaw ko nga sa song writing parang video camera - moment ang kina-capture mo eh, hinuhuli mo ang isang bahagi ng buhay," anang OPM icon.

Siya mismo ang nag-compose ng marami sa mga kanta ng APO Hiking Society na kilala pa rin hanggang ngayon, at nagsilbing lead vocalist ng grupo.

Naging aktor at host din si Danny at kalauna'y nagtayo ng sariling negosyo.  Sinikap niyang magkaroon ng healthy lifestyle sa loob ng maraming taon.

Ngunit nitong nakaraang linggo, sinabi ni Boboy sa isang interview na humina na ang katawan ni Danny.

Sa isang post, kinumpirma ng anak ni Danny na si Justine Javier Long na pumanaw ang kaniyang ama dahil sa mga komplikasyon.

"He left this world with his passion and his strength of will intact and we know he would not have it any other way," sabi ni Justine.

Inihayag din ni Boboy ang kaniyang saloobin.

"Just feeling the loss of an old faithful friend who knew what love is although sometimes it just doesn't show. My friend lives on in his music," sabi ni Boboy.

Sinabi ng Pinoy artists na nakatrabaho at naging kaibigan ni Danny na mananatiling buhay ang kaniyang musika at kontribusyon sa OPM.

"If this is my time to go, it is my time to go. I have never been afraid of death," sabi ni Danny. — VBL, GMA News